The Shizuku Express 雫官報

Contact me

November 11th, 2004

ako'y isa ring OFW

i-Filipino natin para walang makaintindi rito.

ang tagal ko pong pinangarap ito. sa loob ng mahigit isang taon, ang buhay na ito ang siyang aking pinakamimithi. ilang gabi rin ang aking ipinuhunan na ilamay upang maipagdasal sa lahat ng birhen at santo na makarating ako rito sa bansang Hapon.

Gayong, malaking pagbabago sa aking buhay ang aking tinatamasa sa kasalukuyan, unti-unti ko na ring natatanto ang aking kasawian. narito ako sa bansang ito bilang isang Monbusho scholar--ayon nga sa akin unang nabanggit, isang bagay na kay tagal kong hinintay. Subalit, nagliliwanag na sa aking isipan na ito'y panakip-butas lamang sa tunay na dahilan ng aking paglagi rito. Bago ako lumulan sa eroplano patungo rito, pinangako ko sa aking sarili na magkakaroon ako ng isang panibagong buhay at lilimutin kong lahat ng sakit at kabiguan sa aking nakaraan. umasa ako sa isang matiwasay na kinabukasan, sa isang umagang kailanma'y hindi ko nakita sa aking inang bayan.

Hindi ko ikukubli na hinahangad ko rin ang kumita ng salapi. Batid kong isa ito sa mga nangungunang dahilan kung bakit mataas ang bilang ng mga OFW, dahil na rin sa kakulangan ng magagandang oportunidad sa Pilipinas. Nariyan ang lumalalang crisis ng ekonomiya at politika. Sino nga ba naman ang gusto pang lumagi sa bansang yaon bukod doon sa mga nakakaangat ng posisyong sosyal.

Ngunit, ayokong masyadong dibdibin ang mga bagay na ito. Kahit na minsa'y nagmamadali ako sa buhay, alam ko pa ring bata pa ako, at nais kong tingnan ang mundo mula sa inosenteng perspektibo ng isang musmos. Nais kong maging 'oblivious' sa bagay na ito, at ibaling ang aking mga nagbabagang emosyon sa aking pagkatao.

siguro nga'y hindi ito ang inasahan ko, at marahil hindi rin naman ito ang pinangako sa akin mula sa salaysay ng mga taong tinahak na ang landas na ito. expected nga siguro ang ma-LOST IN TRANSLATION ka rito, at kahit saan naman sigurong lugar ka pumunta'y mararanasan mo iyon. pero ang hiling ko lang sana naman bigyan rin ako ng panahon na matutunan ang lenggwahe nila. marami akong kasabay na pinoy rito, at nariyan nga ang mga senpai ko nag-aalaga sa akin. kaya nakakapraning isipin na ako lamang ang may ganitong kaso. Gusto ko pong matuto, walang duda: ngunit maliban kay Rizal at sa mga likas na henyo, kailangan ko rin naman po ng oras sa aking pag-aaral. Mas mabisa kung makakapasok ako sa isang intensive class tulad ng mga kasabay ko.

nauunawaan ko na hindi nga naman ako language major at may abilidad na ako at least sa basic survival japanese. kaya ko nang magpunta sa mga lugar-lugar ng hindi nawawala dahil nakakapagtanong na naman ako. kaya ko na ring umorder sa restauran, mamili sa grocery, dahil nakakabasa naman ako kahit paano ng characters nila. kaya ko ring makipag-usap kahit na mababaw na kaswal lamang. kaya ko ang mga bagay na ito, pero para sa akin hindi ito sapat para makapamuhay ako ng normal dito. mas maraming pinapagawa sa akin na milya-milya ang lagpas sa kakayahan ko. unang-una'y kinakailangan kong magbasa at sumulat ng e-mail sa nihonngo. ikalawa, karamihan sa mga klase rito ay nasa nihonggo. ikatlo, hindi ako makausap mabuti ng mga tao sa aking paligid. imposible tuloy na magkaroon ng isang fruitful relationship sa aking mga kaklase.

marami pang bumabagabag sa akin, tulad na lamang ang paggamit rito ng mga OS na hindi ko mawawaan. siguro, maari namang matutunan pero tulad ng una'y humihiling ako ng oras upang matupad ang mga bagay na iyon. hindi ko na nga maintidihan ang lenggwahe, idagdag mo pa ang computer environment na pang-alien ang dating.

sa ngayon, hindi na ako idealistiko. isa na lamang ang iniisip ko. tulad lamang din ako ng isang OFW--nakikipagsapalarang sa isang banyagang bansa dahil pinagdamutan ng oportunidad ng inang bayan. nauunawaan ko na ang kanilang damdamin, ang malayo sa aking pamilya at sa mga mahal sa buhay. narito ako para sa kanila ring mithiin.

kung may maganap mang mabuti sa akin, iyon ay wala ng kaugnayan sa aking pag-aaral, kundi sa aking personal na buhay na lamang. pagkat ang tangi ko nang asam ay ang umibig muli. kundi man naghilom ang mga sugat ng nakaraan, pipilitin kong ikubli ito sa aking lalaking mamahalin. gagawin koi po ang lahat ng aking makakaya upang makapanatili rito at harapin ang isang masaganang bukas sa bansang ito.

-mG

Posted by shizukuxp at 11:40 AM in Sa ating wikang bernakular | Stalk back

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.

Post comment as a guest

Your name:

Your email: (will not be posted publicly)

Your website:



site powered by tabulas | Back to Top - Home - Gallery - Friends - Friends Of - Favorites - Content - Archives - Links

Only more days til we board the Shizuku Express